Friday, January 03, 2014

RADYO, MUSIKA AT MGA TAONG NAKA-EARPHONES

Hindi kumpleto ang pagsalubong ng bagong taon kung walang paputok, fireworks display, indiscriminate firing, mga naputukan at nagkakant. . . .

tahan. Mahilig talaga ang mga Pinoy kumanta di ba? Bukod sa torotot, isang alternatibong paraan para mag-ingay kesa magpaputok ay ang pagpapatugtog ng malakas gamit ang component at malalaking speakers. Which I really hate the most u know.

Kilala n'yo ba si Kalkal? Malamang hindi. Hindi naman kasi pala-labas ng bahay yung pinsan ko na yun. Mahilig s'ya magpatugtog ng malakas gamit ang radyo n'ya. Mahilig din s'ya manood ng MTV dati at wala pang Myx noon. Nakakita ka na ba ng kumakanta habang nakaearphones? Ganon s'ya at ang ate ko. At ganon din yung kinaiinisan ko, malakas magpatugtog at sumasabay sa kanta.

Masasabi kong late bloomer ako pagdating sa musika. Napapanood ko ang Eraserheads sa 'Sang Linggo nAPO Sila dati pero wala naman akong nararamdaman na kakaiba. Mas na-LSS pa ko sa mga kantang "Mula Sa Puso" ni Jude Michael at  "Harana" ng Parokya. Mas gusto ko pa maglaro o magdrawing kesa makinig sa mga foreign boybands at local bands.

Nasa hayskul na 'ko nung magkahilig ako sa pakikinig musika. Dala ng mga kabarkda na ayaw na makipagmata-mataya at mas gusto nang makinig kay Andrew E at underground hiphop. Seryoso. Peer pressure. Pero hanggang ngayon naman gusto ko parin ng hiphop. Yung kaya ko lang intindihin ang lyrics.

Bago matapos ang hayskul, pumutok na naman ang mga rock bands sa music scene sa Pinas. Hula ko lang. Andami kasing bandang nagsulputan sa telebisyon at radyo. Tapos yung mga kaklase ko mga naggigitarahan na sa klasrum. Tae. Dagdag ingay lang.

College, mas nagustuhan ko na ang rock music. Pinapakinggan ko ang lahat ng bandang pwedeng mapakinggan. Sinusubukan yung mga tugtog na hinahain nila sa tao. Sa ganong paraan nalaman ko kung ano talaga yung tugtog na gusto ko at kasunod nun ay ang pag-ekis sa mga ayaw kong banda (eg. Calla Lily lol).

Iba't ibang type ng rock music, iba't ibang labeling ng tugtog. Tae! Hanggang ngayon nauurat parin ako sa mga yan. Basta maganda sa tenga, yun ang pinakikinggan ko. Wala na kong pakialam kung ano man yung tawag sa tugtugan nila. Sinubukan ko din matututo maggitara pero hanggang intro riffs lang ang talent ko.

Kasabay ng pagkahilig ko sa rakenrol nung college, nahilig din ako sa pakikinig sa radyo, FM man o AM. Mas gusto ko yung mga talkshows. Parang mas informative at educational pa ang radyo kesa TV na puno ng mga pabati. Pinaka-paborito ko noon ay ang "Brewrats" at live band sessions sa NU at JAM. Yun lang.

Kelan lang ako nahilig sa mga lumang kanta at lumang banda, foreign at local. Yung iba disbanded na, yung iba naman mga deads na. May mga bandang mas gusto ko nung luma pa gitarista nila, may mga bandang nagsolo na yung bokalista. Mukhang pera lol jk. Kelan lang ko rin naappreciate yung Eraserheads. Kelan ko lang napagtanto kung gaano kagaling sumulat at kumanta si Ely Buendia, pero paborito ko din si Raimund Marasigan (pati ang Sandwich).

Kapag sumasakay ako ng LRT, bus o jeep, madalas akong nakakakita ng mga naka-earphones. Ano kayang nasa playlist nila? Hindi, wala lang. Minsan napapaisip ako kung naeenjoy ba nila yung pinapakinggan nila. Ako kasi nung sinubukan ko yun habang nasa byahe o nasa ibang lugar, di ko maenjoy. Bukod sa sumasakit lang tenga ko, baka binubusinahan na ko ng sasagasa sakin e 'di ko pa naririnig.

Nag-i-earphones lang ako pag gusto ko makinig ng music tapos alam kong tulog na yung mga tao samin. Para sakin yung musika parang kape, naeenjoy ko lang sya pag tahimik at pag solo ko lang. Ngayon lang ako nag-enjoy sa musika. Masasabi ko na ang boring ng maghapon ko kapag 'di ako nakapagpatugtog. Narealize ko na kung ano yung kakaibang high na hatid ng radyo at musika sa pinsan ko. Sumasabay narin ako sa mga pinapakinggan kong kanta.

Para sakin ang musika ay hindi lang basta pamorma, malayong higit pa dun.

#My heart goes shala-la-la-la#